*** w20 Hulyo p. 3-4 mga par. 4-5 Huwag Mag-isip Nang
Higit Tungkol sa Sarili Kaysa sa Nararapat ***
MAGPAKITA NG KAPAKUMBABAAN SA PAG-AASAWA
4 Huwag nating isiping bigo ang ating pag-aasawa. Alam
natin na ang nag-iisang makakasulatang dahilan para sa diborsiyo ay seksuwal na
imoralidad. (Mat. 5:32) Kaya kapag napaharap tayo sa mga problema, ayaw nating
maging mapagmataas at isipin: ‘Naibibigay ba ng asawa ko ang mga
pangangailangan ko? Nararamdaman ko ba ang pagmamahal na nararapat sa akin? Mas
magiging masaya kaya ako sa piling ng iba?’ Pansinin na nakapokus sa sarili ang
mga tanong na iyan. Iimpluwensiyahan ka ng sanlibutan na sundin ang puso mo at
gawin ang gusto mo kahit mangahulugan pa ito ng paghihiwalay ninyo. Pero
sinasabi ng Bibliya na dapat mong isipin “ang kapakanan ng iba, hindi lang ang
sa [iyo].” (Fil. 2:4) Gusto ni Jehova na manatili ang inyong pagsasama bilang
mag-asawa at huwag magdiborsiyo. (Mat. 19:6) Gusto niyang siya ang isipin mo,
hindi ang iyong sarili.
5 Dapat mahalin at igalang ng mag-asawa ang isa’t isa.
(Basahin ang Efeso 5:33.) Itinuturo ng Bibliya na dapat tayong magpokus sa
pagbibigay sa halip na sa pagtanggap. (Gawa 20:35) Anong katangian ang
makakatulong sa mag-asawa na magpakita ng pagmamahal at paggalang?
Kapakumbabaan. Uunahin ng mapagpakumbabang asawa “ang kapakanan ng [asawa
niya], hindi ang sarili niya.”—1 Cor. 10:24.
MAGLINGKOD KAY JEHOVA NANG MAY ‘TUNAY NA KAPAKUMBABAAN’
Mas mahalaga kay Jehova ang kapakumbabaan kaysa sa
kakayahan, at ang pagkakaisa kaysa sa pagiging mahusay. Kaya gawin ang iyong
buong makakaya na maging mapagpakumbaba sa paglilingkod kay Jehova. Sa paggawa
nito, makakatulong ka sa pagkakaisa ng kongregasyon. (Basahin ang Efeso
4:2, 3.) Maging masigasig sa ministeryo. Humanap ng pagkakataon para
makatulong sa iba. Maging mapagpatuloy sa lahat, pati na sa mga walang mabigat
na pananagutan sa kongregasyon. (Mat. 6:1-4; Luc. 14:12-14) Kapag
mapagpakumbaba kang naglilingkod sa kongregasyon, mapapansin ng iba hindi lang
ang iyong kakayahan kundi pati ang iyong kapakumbabaan.
Ano ang dapat mong gawin kung sa tingin mo ay may mga
problema sa kongregasyon na hindi naaasikaso nang tama ng mga elder? Sa halip
na magreklamo, maging mapagpakumbaba at suportahan ang kanilang pangunguna.
(Heb. 13:17) Para magawa iyan, tanungin ang sarili: ‘Talaga bang napakaseryoso
ng problemang nakikita ko at kailangan na itong ituwid? Ito ba ang tamang
panahon para ituwid iyon? Ako ba ang dapat magtuwid ng problema? Pero ano ba
talaga ang totoo, gusto ko bang magkaisa ang kongregasyon o gusto ko lang
iangat ang sarili ko?’
MAGPAKITA NG KAPAKUMBABAAN SA PAGGAMIT NG SOCIAL MEDIA
13 Ayon sa pag-aaral, ang mga taong nagbababad sa
pagtingin sa mga post sa social media ay malamang na madepres at malungkot.
Bakit? Dahil ang kadalasang ipino-post ng mga tao sa social media ay ang
magagandang nangyayari sa buhay nila at ang magagandang litrato nila, ng mga
kaibigan nila, at ng mga pinuntahan nila. Puwedeng maisip ng mga tumitingin sa
mga litratong iyon na malungkot at boring ang buhay nila. Inamin ng 19-anyos na
sister, “Naiinggit ako kapag nakikita ko ang iba na nag-e-enjoy tuwing weekend,
samantalang ako, nandito lang sa bahay.”
14 Siyempre, may pakinabang din sa social media.
Halimbawa, nagagamit natin ito para makausap ang ating mga kapamilya at
kaibigan. Pero napapansin mo ba na may mga nagpo-post sa social media para
magpasikat lang? Para bang sinasabi nila, “Tingnan n’yo ’ko!” May mga
nagko-comment pa nga ng di-maganda sa sarili nilang post o sa post ng iba.
Hindi ito pagpapakita ng kapakumbabaan at pagmamahal sa kapatid na dapat makita
sa mga Kristiyano.—Basahin ang 1 Pedro 3:8.
15 Kung gumagamit ka ng social media, tanungin ang
sarili: ‘Mukha ba akong nagyayabang sa ipino-post kong mga litrato, video, o
comment? Hindi kaya ako kainggitan ng iba?’ Sinasabi ng Bibliya: “Ang lahat ng
bagay sa sanlibutan—ang pagnanasa ng laman at pagnanasa ng mga mata at
pagyayabang ng mga pag-aari—ay hindi nagmumula sa Ama, kundi nagmumula sa
sanlibutan.” (1 Juan 2:16) Hindi mahalaga sa mga Kristiyano na hangaan
sila ng iba. Sinusunod nila ang payo ng Bibliya: “Huwag tayong maging
mapagmataas, huwag tayong makipagkompetensiya sa isa’t isa, at huwag nating
kainggitan ang isa’t isa.” (Gal. 5:26) Kung mapagpakumbaba tayo, hindi tayo
magiging gaya ng mga tao sa mundong ito na mapagmataas at gustong hangaan sila
ng iba.
MAPAGPAKUMBABANG TUMANGGAP NG TULONG MULA SA MGA KAPATID
Noong una nating malaman ang katotohanan, baka
gustong-gusto nating magpatulong sa iba, dahil alam nating sanggol pa lang tayo
sa pagiging Kristiyano at marami pa tayong kailangang matutuhan. (1 Cor.
3:1, 2) Pero kumusta ngayon? Kung makaranasan na tayo at matagal nang
naglilingkod kay Jehova, baka hindi na tayo ganoon kahandang tumanggap ng
tulong, lalo na kung mas matagal na tayo sa katotohanan kaysa sa tutulong sa
atin. Pero madalas na ginagamit ni Jehova ang mga kapatid para palakasin tayo.
(Roma 1:11, 12) Kaya kung gusto nating mapalakas tayo ni Jehova, kailangan
nating tanggapin ang tulong ng mga kapatid. Ang tagumpay ay hindi nakadepende
sa sariling lakas, edukasyon, kayamanan, o pinagmulan; nakadepende ito sa
kapakumbabaan at pagtitiwala kay Jehova. Magsikap nawa tayong lahat na
(1) umasa kay Jehova, (2) matuto mula sa mga halimbawa sa Bibliya, at
(3) tumanggap ng tulong mula sa mga kapatid. Kapag ginawa natin iyan,
gaano man tayo kahina, palalakasin tayo ni Jehova! w20.07 14 ¶2; 19 ¶18-19
Comments
Post a Comment