Linangin ang Pag-ibig kay Jehova

 *** w09 12/15 p. 25 par. 4 Linangin ang Pag-ibig na Hindi Kailanman Nabibigo ***

4 Ang paglilinang ay maaaring mangahulugan ng paghahanda at pagpapalago ng isang bagay. Halimbawa, ang isang magsasaka ay nagbabanat ng buto para ihanda ang lupa at itanim ang binhi. Inaasahan niyang tutubo ito at lalago. (Heb. 6:7) Sa katulad na paraan, dapat ding lumago ang pag-ibig natin sa Diyos. Paano? Dapat nating pangalagaan ang ating puso, kung saan naihasik ang binhi ng katotohanan ng Kaharian. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng masikap na pag-aaral ng Salita ng Diyos para lumago ang ating kaalaman tungkol sa kaniya. (Col. 1:10) Makakatulong din ang regular na pagdalo at pakikibahagi sa mga pulong ng kongregasyon. Patuloy ba tayong nagsisikap na magkaroon ng mas malalim na kaalaman?—Kaw. 2:1-7.

5 Sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ipinaaalam ni Jehova ang kaniyang personalidad. Kung pag-aaralan natin ang Kasulatan at patuloy na kukuha ng kaalaman tungkol kay Jehova, lalo nating mapahahalagahan ang kaniyang mga katangian—ang kaniyang katarungan, kapangyarihan, karunungan, at higit sa lahat, ang kaniyang walang-kapantay na pag-ibig. Makikita ang katarungan ni Jehova sa lahat ng kaniyang mga gawa at sa kaniyang sakdal na kautusan. (Deut. 32:4; Awit 19:7) Kapag pinag-iisipan natin ang kaniyang mga nilalang, napapahanga tayo sa kaniyang nakahihigit na karunungan. (Awit 104:24) Ang uniberso ay patotoo rin na si Jehova ang Pinagmumulan ng dinamikong lakas at kapangyarihan.—Isa. 40:26.
6 Ano naman ang masasabi natin tungkol sa nangingibabaw na katangian ng Diyos, ang pag-ibig? May epekto ito sa ating lahat. Ipinakita niya ang pag-ibig na ito nang maglaan siya ng pantubos para sa sangkatauhan. (Basahin ang Roma 5:8.) Ang paglalaang ito ay para sa lahat, pero ang mga tumutugon lang sa pag-ibig ng Diyos at nananampalataya sa kaniyang Anak ang makikinabang dito. (Juan 3:16, 36) Yamang inihandog ng Diyos si Jesus bilang pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan, dapat lang na maudyukan tayong suklian ang pag-ibig ni Jehova.
7 Paano natin maipakikita ang ating pag-ibig sa Diyos bilang pasasalamat sa lahat ng ginawa niya para sa atin? Maganda ang sagot ng Bibliya: “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga utos; gayunma’y ang kaniyang mga utos ay hindi pabigat.” (1 Juan 5:3) Oo, uudyukan tayo ng pag-ibig sa Diyos na Jehova na tuparin ang kaniyang mga utos. Iyan ang isa sa mga dahilan kung bakit tayo nagpapatotoo tungkol sa kaniyang pangalan at Kaharian, na nagdudulot ng kapakinabangan sa iba. Ang buong-pusong paggawa nito ay katibayan na tama ang motibo natin sa pagtupad sa mga utos ng Diyos.—Mat. 12:34.

Comments